Ni: Orly L. Barcala

Nalagay sa balag na alanganin ang buhay ng isang binata, matapos siyang pagsasaksakin ng kapitbahay niyang naghihinala na may relasyon siya sa asawa nito sa Navotas City, bago magtanghali nitong Linggo.

Nakaratay sa Tondo Medical Center si Diego Eco, 41, ng Alpha Street, Barangay Bangkulasi, Navotas, dahil sa mga saksak sa sikmura.

Mabilis namang tumakas ang suspek na si Expedito Banares, nasa hustong gulang, na nahaharap ngayon sa frustrated murder.

National

Eastern Police District, nakaantabay na sa pagbubukas ng klase sa June 16

Base sa report kay Supt. Ferdinand Balgoa, deputy chief of police for operations ng Navotas Police, bandang 11:15 ng umaga at abala si Eco sa pagkukumpuni ng bisikleta sa harap ng bahay nito nang biglang sumulpot si Banares na may hawak na patalim.

Sinugod ni Banares ng saksak ang nabiglang biktima, na kahit sugatan ay nakatakbo pa rin at nakahingi ng tulong sa kaibigang si Roldan Jocson.

Rumesponde ang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP)-3, pero nakatakas na si Banares.