Nina Ellson Quismorio at Mina Navarro

Kumilos ang pamunuan ng Kamara upang maprotektahan ang itinuturing ngayong pangunahing testigo sa P6.4-bilyon ilegal na droga na ipinuslit sa Bureau of Customs (BoC).

Bukod sa bibigyan ng immunity sa mga kaso, titiyakin din ng Kamara ang seguridad ni Ruben Mark Taguba, na umamin sa congressional hearing tungkol sa naging partisipasyon nito sa gawaing kurapsiyon na may kinalaman sa bribe money na aabot sa P270 milyon kada araw.

Sinabi ni Deputy Speaker at Marikina City Rep. Romero S. Quimbo na inaasahang marami pang ilalahad si Taguba—isang customs broker at resource person sa pagdinig ng ways and means committee nitong Miyerkules tungkol sa pagkakapuslit sa BoC ng P6.4-bilyon shabu—tungkol sa mga opisyal at empleyado ng kawanihan na sangkot sa iba’t ibang smuggling operations sa BoC.

Nasawi sa Air India nasa 270 na; pagkilala sa bangkay ng mga biktima, nagpapatuloy!

Nanawagan naman si Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas kay BoC Commissioner Nicanor Faeldon na mag-leave mula habang isinagawa ang magkahiwalay na imbestigasyon ng Kongreso kaugnay ng usapin.

Sinabi naman ni House Minority Leader at Quezon Rep. Danilo Suarez na kumpiyansa siyang sapat na ang resulta ng imbestigasyon sa usapin upang magbago ng isip si Pangulong Duterte sa labis na pagtitiwala na malilinis ni Faeldon sa kurapsiyon ang BoC.

Una nang idinawit ang ilang smuggler, tiwaling broker at mga tauhan ng BoC sa P270-milyon corruption scheme sa kawanihan, muling tetestigo si Taguba sa pagpapatuloy ng pagdinig sa Lunes.

Matatandaang sa matinding panggigisa ni Quimbo nitong Miyerkules ay inamin ni Taguba na nakatatanggap umano ang BoC ng P27,000 sa kada container shipment, na aabot sa 10,000 kada araw.

Sinabi pa ni Taguba na ilang opisyal at kawani ng BoC na dumalo sa pagdinig ay kabilang sa mga tumanggap ng nasabing suhol.

Samantala, matapos na batikusin ni Deputy Speaker at Batangas Rep. Raneo Abu si Faeldon sa pagsama sa payroll sa ilang retirado at aktibong basketball at volleyball star, ay dumepensa kahapon ang komisyuner.

Kabilang sa sinasabing mga technical assistant ng BoC ang mga retiradong PBA player na sina Kenneth Duremdes, Marlou Aquino, at EJ Feihl, gayundin sina Gherome Ejercito, Micahel Sumalinog, at Bong de la Cruz.

Nakasaad din sa Customs Special Order No. 58-2016 ang volleyball personalities na sina Parley Tupaz, Sherwin Meneses, Michico Castaneda, Rizza Mandapat, Fe Emnas, at Allysa Valdez.

Paliwanag ni Faeldon, ang mga atleta ay hindi kawani ng BoC kundi kinuha bilang contract of services. Ang serbisyo ng mga ito, aniya, ay hindi maikokonsiderang bahagi ng government service sa kawanihan.

Aniya, nakalagay sa kontrata na walang employer-employee relationship sa pagitan nila.