Ni: Mary Ann Santiago
Nagbigti ang isang Koreano matapos umanong matalo sa casino sa Malate, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Patay na nang matagpuan si Hyun Jin Do, 38, sa balkonahe ng tinutuluyan niyang kuwarto sa isang condominium na matatagpuan sa 2138 Aldecoa Street, kanto ng Roxas Boulevard sa Malate, dakong 12:13 ng madaling araw.
Sa ulat ni PO3 Marlon San Pedro, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), kauuwi lamang ni Sang Sik Yang, kaibigan at roommate ni Do, at kanilang driver mula sa pamamasyal ngunit sa kabila ng matagal na pagkatok ay hindi sila pinagbubuksan ng biktima, kaya humingi na sila ng tulong sa mga empleyado ng hotel.
Pagbukas ng pinto, nakita nilang nakabigti ang biktima at sa tulong ng nobya ni Do, si Hanuel Lee, na dumating din sa unit ay agad nila itong ibinaba mula sa pagkakabigti, tinakpan ng kumot at saka humingi ng tulong sa pulisya.
Ayon kay Atok, madalas maglaro ng casino sina Do at Yang at naikuwento sa kanya ng biktima na natalo ito ng halos P20 milyon.
Inaalam na ng awtoridad kung may kinalaman ang pagkatalo sa sugal ng biktima sa pagpapakamatay nito.