Ni: Vanne Elaine P. Terrazola
Isang miyembro ng pamilya, na wanted sa pagpatay sa lima nilang kapitbahay noong 2011, ang inaresto sa Quezon City, nitong Martes ng gabi.
Kinumpirma kahapon ng mga operatiba ng Quezon City Police District Special Operations Unit (QCPD-DSOU) ang pagkakaaresto kay Francisco Badilla, 53, sa isang bahay sa panulukan ng Commonwealth Avenue at Ilang-ilang Street sa Barangay Batasan, dakong 9:50 ng gabi.
Isa si Badilla sa pitong suspek na tinutugis sa insidente ng pamamaril na ikinamatay ng limang katao at ikinasugat ng isa pa sa nasabing barangay noong Nobyembre 28, 2011, na, ayon sa awtoridad, ay sanhi ng away sa lupa.
Marso 2013, nag-isyu ng warrant of arrest si Judge Edgar Dalmacio Santos, ng Quezon City Regional Trial Court Branch 222, laban kay Badilla at sa apat niyang kamag-anak at dalawang iba pa para sa five counts of murder.
Sinabi ng QCPD na nakatanggap ng tip ang DSOU na tumutuloy si Badilla sa bahay ng kanyang kaibigan sa Batasan Hills, na naging sanhi ng kanyang pagkakaaresto.
Aalamin na ng awtoridad kung alam ni Badilla kung nasaan ang iba pang suspek.
Sa 2011 police report, nag-iinuman sina homeowners’ association president Liberato Paez, 50; Rogelio Diomampo, 36; Rogelio Agustin, 49; Germinio Manansala, 44; at Armando Garcia, 47; at Zaldy Ballesteros, 43, sa Kalaayan B nang mamaril ang grupo ni Badilla noong gabi ng Nobyembre 28.
Tanging si Ballesteros ang nakaligtas.