Ni MARY ANN SANTIAGO
Pinatay muna ang isang negosyante sa harap ng kanyang pamilya bago ninakawan ng dalawang lalaki sa Sta. Ana, Maynila kamakalawa.
Isang tama ng bala sa ulo ang ikinasawi ni Elbert Salmorin, 39, negosyante, ng Building-A, 214 Cardinal Sin Village, sa Punta, Sta. Ana habang mabilis namang tumakas ang mga hindi pa nakikilalang salarin.
Sa imbestigasyon ni SPO2 Richard Escarlan, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), naganap ang insidente sa Gate 2 ng Jaime Cardinal Sin Village, bandang 5:40 ng hapon.
Una rito, kasama umano ng biktima ang kanyang pamilya sa paniningil ng pautang sa naturang lugar.
Pasakay na umano ang biktima at ang kanyang mag-ina sa motorsiklo upang umuwi nang lapitan ng mga suspek at binaril sa likod ng ulo ang biktima.
Sa pagbulagta ni Salmorin, kinuha ng mga suspek ang mga alahas nito, partikular na ang dalawang gintong bracelet, P85,000; isang gintong kuwintas, P15,000; isang gintong singsing, P5,000; at isang Beretta .9mm caliber pistol (P120,000).
Tinangay din ng mga suspek ang motorsiklo ng biktima, Yamaha Mio Soul 1125, at tuluyang tumakas.