Pinagsasaksak ng ice pick ng isang lalaki ang isang binata matapos nilang magtalo dahil sa babae sa Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng umaga.

Limang saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tinamo ni Gibson Bautista, 21, ng 1656 Old Antipolo Street sa Sta. Cruz, na kasalukuyang ginagamot sa isang ospital.

Samantala, nakatakas naman at pinaghahanap na ng mga awtoridad ang suspek na si Renzo Cantila, ng Rizal Avenue, malapit sa Laguna St., sakop ng Barangay 348, Zone 35, District III.

Sa ulat ni Police Supt. Santiago Pascual III, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 3, dakong 6:15 ng umaga ay nakaupo ang biktima sa isang eskinita na matatagpuan sa harap ng Jun Jimenez Billiard Hall, sa Rizal Avenue, malapit sa Laguna St., nang biglang lapitan ng suspek at sinuntok sa mukha.

National

Pag-imbestiga ng Senado sa drug war ni ex-Pres. Duterte, magandang ideya – Pimentel

Hindi pa nasiyahan ang suspek at bumunot ng ice pick at pinagsasaksak ang biktima bago mabilis na tumakas lulan sa isang motorsiklo.

Lumitaw sa imbestigasyon na posibleng resbak ang motibo ng suspek dahil nitong Miyerkules, Pebrero 1, ay nagkaroon umano ng ‘di pagkakaunawaan ang dalawa dahil sa nobya ng suspek ngunit hindi matukoy kung tungkol saan ito.

(Mary Ann Santiago)