Sa selda ang bagsak ng isang lalaki na umano’y nanghalay at tumangay sa cell phone ng isang 14-anyos na babae sa Malabon City, nitong Martes ng gabi.
Ayon kay Chief Inspector Lucio Simangan, deputy chief for operation ng Malabon Police, kasong rape at robbery ang isinampa laban kay Felix Mariano, 22, construction worker, ng Santol Road, Barangay Potrero ng nasabing lungsod.
Sa imbestigasyon nina PO2 Maria Theresa Dagman at PO1 Mayett Simeon ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD), bandang 9:00 ng gabi nangyari ang panghahalay sa biktima sa madilim na bahagi ng Guava Road, Bgy. Potrero.
Hinihintay umano ng biktima ang kanyang kapitbahay nang sumulpot si Mariano at tinakot ang una na nauwi sa pangangaladkad sa madilim na lugar at doon pinagsamantalahan.
Hindi pa nakuntento, kinuha pa umano ni Mariano ang cell phone ng biktima bago tumakas.
Agad humingi ng saklolo ang biktima sa mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) at tuluyang naaresto si Mariano.
Walang piyansang inirekomenda ang piskalya para sa pansamantalang paglaya ng suspek. (Orly L. Barcala)