Agaw-buhay ang isang pedicab driver matapos pagsasaksakin ng lalaking nakihalubilo at nakiinom lamang ng alak sa kanilang magkakaibigan sa Navotas City, nitong Martes ng gabi.

Kasalukuyang ginagamot sa ospital si Melvin Dela Torre, 30, ng Goldrock Street, Barangay San Roque ng nasabing lungsod, sanhi ng mga saksak sa balikat.

Naaresto naman ang suspek na si Sonny Dela Cruz, 40, ng No. 122 Mariano St., Bgy. Longos, Navotas City at nahaharap sa kasong frustrated murder.

Sa imbestigasyon ni PO3 Michael Burgos, bandang 8:30 ng gabi, masayang nag-iinuman si Dela Torre at kanyang mga kaibigan sa tapat ng kanilang bahay.

National

De Lima, nag-react sa pahayag ni Espinosa na si Bato nag-utos na idiin siya sa illegal drugs

Dumating si Dela Cruz na kabatian ng isa sa mga kaibigan ng biktima at nakisali sa inuman.

Naramdaman daw ni Dela Torre na hindi siya “welcome” sa grupo kaya nagpaalam ito na uuwi na at nakiusap sa biktima na ihatid siya sa kanto, bagay na ginawa naman ng huli.

Sa kanilang paglalakad, bumunot umano ng ice pick ang suspek at pinagsasaksak si Dela Torre.

Bagamat may sugat ay nakatakbo ang biktima at nakahingi ng tulong sa mga tricycle driver at isinugod sa ospital.

(Orly L. Barcala)