NANGGAGALAITI ang isang motorista sa kanyang ipinaskil kahapon sa Facebook.
Sa kanyang Facebook account, ramdam ng mga netizen ang galit ni Ginoong Marc Soong sa umano’y pagkainutil ng gobyerno sa pagtugon sa pangunahing problema ng bansa…ang matinding traffic.
Dahil dito, inihayag ni Marc ang kanyang saloobin hinggil sa sari-saring solusyon na ibinabandera ng gobyerno pero para sa kanya, ay wa’ epek ang mga ito.
Kaya naman nagbigay na lang ng mga suhestiyon ang naturang negosyante.
Para hindi tumaas ang presyon n’yo, bumili muna kayo ng popcorn at softdrinks bago basahin ang mga sumusunod:
1)Huwag patawan ng karagdagang buwis ang luxury car segment. Sagad na kami hanggang bubong — at ang anumang pagtaas ay may katapat na pagbaba sa benta ng aming mga sasakyan o posibleng pagtigil din ng aming operasyon. Mas patas sa lahat ang pagpapataw ng flat rate para sa pagsingil ng karagdagang buwis.
2)Ang trapiko ay isa nang state of emergency na. Dapat gamitin ang militar sa paglilinis ng mga kalsada sa mga ilegal na nakaparadang sasakyan. Maging ang mga lagusan mula Makati hanggang Fort Bonifacio (Kalayaan Road) ay puno ng mga illegally parked vehicle. Malaki ang maitutulong ng pag-aalis ng mga nakabalandrang sasakyan. Mas makabubuti kung ang militar ang magpapatupad ng batas sa trapiko.
3)Kung hangad ng gobyerno ang karagdagang kita, dapat lagyan ang lahat ng sasakyan ng RFID tag, singilin ang mga motoristang daraan sa EDSA at iba pang pangunahing lansangan. Dapat na ring pag-isahin ang sistema ng pagbayad sa RFID, mga toll way at parking lot. Kung walang RFID, ipagbawal ang bumiyahe sa kalsada.
4)Dapat isalang sa bagong pagsusulit ang lahat ng driver. Ang exam ay dapat isagawa sa labas ng mga pasilidad ng Land Transportation Office. Maging ang mga lisensiyadong driver ay dapat ulitin ang exam.
5)Maglagay ng CCTV sa lahat ng lugar sa Metro Manila at gamitin ito sa pagmo-monitor ng trapiko, pagsusubaybay sa pagbiyahe ng mga public utility vehicle, at highway management.
6)Magtatag ng isang konseho na binubuo ng mga concerned citizen at may-ari ng mga shopping mall na pinag-uugatan ng trapik.
7)Ipatupad ang tamang paggamit ng overtaking lane! Ang mabibilis na sasakyan ay sa kaliwang linya habang ang mababagal ay nasa kanan.
8)Kapag hindi itinabi ng isang driver ang kanyang sasakyan upang bigyang-daan ang isang ambulansiya, dapat na kaagad bawiin ang lisensiya nito.
9)Dapat ding igalang ng motorista ang karapatan ng mga pedestrian. (ARIS R. ILAGAN)