Hinimok ng Philippine National Police (PNP) ang publiko na maging mahinahon ngunit mapagmatyag at alerto makaraang isailalim ang buong bansa sa terror alert level 3 kahapon.

Sinabi ni PNP Chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa na inilagay sa terror alert level 3 ang bansa dahil sa banta ng terorismo makaraang makumpirma na ang grupong Ansar Khalifa, na kaalyado ng Maute terror group, ang may pakana ng napigilang sumabog na bomba malapit sa US Embassy sa Maynila nitong Lunes.

Miyembro ng nasabing grupo ang dalawang naaresto at iprinisinta ni Dela Rosa sa media kahapon na sina Rayson Kilala at Jiaher Guinar, kapwa 30-anyos, ng Marawi City.

Sinabi ni Dela Rosa na inamin ng dalawa na sila ang naglagay ng bomba sa basurahan malapit sa US Embassy sa Roxas Boulevard sa Ermita, nitong Lunes.

Eleksyon

Alyansa, nirerespeto desisyon ni Sen. Imee sa pagkalas nito sa kanila

Sa pahayag umano ng mga suspek, inamin ng mga ito na una nilang inilagay ang bomba sa isang Toyota Revo at tinangka itong pasabugin sa Luneta Park, ngunit masuwerteng hindi sumabog.

Nagpasya ang mga suspek na tanggalin na lang ang bomba sa sasakyan hanggang iwan ito sa basurahan sa Roxas Boulevard.

Nabawi ng awtoridad kay Guinar ang cell phone na triggering device sana ng pampasabog habang nasa kostudiya na ng pulisya ang naturang Toyota Revo, ayon kay Dela Rosa.

DESPERADONG KILALANIN NG ISIS

Aniya, pagkilala at perang magmumula sa ISIS (Islamic State of Iraq and Syria) ang hangad ng grupo sa tangkang pambobomba, dahil ito umano ang pagbabasehan ng Islamic State kung nararapat ba silang maging miyembro nito.

“Ang motive nila para luluwag ‘yung operations doon sa Maute Group (sa Butig, Lanao del Sur). At saka gusto nilang ma-recognize ng ISIS (Islamic State of Iraq and Syria), na talagang they are pro-ISIS. They are aligned with ISIS.

Kung nakapagpasabog sila ng bomba at nagkaroon ng malaking pinsala, malaking casualties,” sabi ni Dela Rosa sa press conference sa Camp Crame kahapon.

Ayon kay Dela Rosa, may tatlo pang kasabwat ang mga suspek na tinutugis na ngayon ng PNP, at isa sa mga ito ay miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).

Dahil sa terror alert, sinabi ni Dela Rosa na dapat nang asahan ng publiko ang mas maraming checkpoint at pagsalakay sa mga hinihinalang pugad ng mga terorista sa Metro Manila at sa iba pang bahagi ng bansa.