Nakahanda si Senator Leila de Lima na harapin ang umano’y drug lord na si Kerwin Espinosa, sa pagpapatuloy na pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Illegal Drugs ngayong araw.

Ayon kay De Lima, dadalo siya bilang miyembro ng komite, at tulad ng mga naunang pagdinig, magtatanong din siya kung may nais siyang malaman.

Sa pagdinig, bubusisiin din ng komite ang pagkamatay ni Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr., ama ni Kerwin.

Nauna nang inihayag ni Senator Manny Pacquiao na sinabi sa kanya ni Kerwin na tumanggap si De Lima ng P8 milyon bilang campaign fund mula sa kanya.

'Expected po 'yan!' Malacañang, nag-react sa paglagpak ng Pinas sa Corruption Perceptions Index 2025

Itinanggi naman ito ni De Lima at sinabing lahat ng ito ay inaasahan na niya katulad ng mga affidavit ng mga bilanggo sa House inquiry.

“Kasama ‘yan diyan sa grand plan nila. Lahat na lang tungkol sa droga ay ikakabit nila kay Senator Leila de Lima. So pinapanindigan na lang po nila ‘yan kasi ‘yan po ang gusto ng Pangulo,” ani De Lima.

“Lahat tungkol sa droga dito sa Pilipinas ay ikakabit, ay idadawit si Senator Leila de Lima. So ano pa ba naman iyan, na nandiyan na si Kerwin Espinosa. And tingnan n’yo, pinatay na ‘yung tatay, pinatay na rin ‘yung mga iba pa na identified with him,” dagdag pa ni De Lima.

Umaasa naman si De Lima na magiging propesyunal ang kanyang mga kasamahan lalo na ang kaalyado ng Pangulo, sa pagdinig.

“Sana naman, huwag na nilang dagdagan ‘yung kalbaryo ko na baka naman may iba diyan na mag-iisip na pagkakataon na naman para...you know, pahiyain ako, to make me very uncomfortable,” ani De Lima.

Pasabog ni Pacman

Sa interview ng ANC, may pasabog uli si Pacquiao. Humihingi umano ng P3 milyon kay Kerwin ang opisyal ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 8 na nanguna sa raid na nagresulta sa pagkamatay ng alkalde.

“Ang sabi niya (Kerwin), ‘yung si Marcos, kinausap daw siya dahil tumatakbo daw ‘yung misis, and then hiningian siya ng P3 milyon,” ani Pacquiao. “Hiningian siya ng P3 milyon, and then nagtawaran pa. Malaki ata ang P3 milyon. Sabi niya P2.5 (milyon) lang. And then hindi talaga P2.5 (milyon) ang naibigay kundi P1.5 (milyon) lang muna pauna,” dagdag pa ng senador.

Tinutukoy ni Pacquiao si CIDG Region 8 Director Marvin Marcos.

Full alert

Samantala inilagay sa full alert ang Philippine National Police(PNP) headquarters sa Camp Crame dahil dito isasagawa ang pagdinig ng Senado, kung saan isa sa mga resource person si Kerwin.

Sinabi ni PNP Chief, Director General Ronald Dela Rosa na ang pagdinig ay gagawin sa ikatlong palapag ng PNP National Headquarters, sa conference room dakong 9:00 ng umaga. (Leonel M. Abasola at Fer Taboy)