Dalawang lane na ang ipagagamit ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga nagmomotorsiklo sa pagpapatuloy ng istriktong pagpapatupad sa “motorcycle lane policy” sa EDSA at C-5 Road.

Ito ang napagpasyahan sa pulong ng MMDA at ng mga grupo ng motorcycle rider na layuning tiyakin ang kaligtasan ng mga nagmomotorsiklo at iba pang motorista.

Ayon kay MMDA General Manager Tim Orbos, simula 7:00 ng umaga hanggang 10:00 ng umaga at dakong 4:00 ng hapon hanggang 7:00 ng gabi lamang maaaring gamitin ng mga rider ang dalawang lane, kabilang ang leftmost lane sa EDSA at C-5, habang isang lane lang ang maaaring gamitin ng mga motorsiklo sa Macapagal Boulevard at Commonwealth Avenue.

Internasyonal

Ipadedeport! Pinoy detainee, pinakawalan ng ICE matapos umano'y mapabayaan sa kulungan

Samantala, sisimulan na sa Lunes, Nobyembre 21, ang proseso sa pagkuha ng sticker para sa mga pribadong motorista na dadaan sa kalsada sa Camp Aguinaldo bilang bahagi pa rin ng pagpapagaan sa matinding problema sa trapiko sa Metro Manila, lalo na ngayong Christmas season.

Sinabi ni Orbos na kailangang may sticker o access card ang mga pribadong sasakyan na gagamit sa kalsada, na nasa hurisdiksiyon ng Camp Aguinaldo, patungong EDSA-Santolan at Katipunan Avenue sa Quezon City.

Pinagsusumite ni Inter-Agency Council on Traffic (IACT) Deputy Chief Traffic Officer Manny Gonzales ang mga aplikanteng motorista ng ID, Certificate of Registration (CR) at official receipt (OR) ng sasakyan, litrato ng may-ari ng sasakyan at pambayad para makakuha ng sticker.

Bukas ang Camp Aguinaldo sa pribadong motorista simula 6:00 ng umaga hanggang 10:00 ng gabi, Lunes hanggang Biyernes, na ipatutupad sa Lunes hanggang Enero 15, 2017. (Bella Gamotea)