Patay ang isang lalaki makaraang pagsasaksakin ng sarili niyang pinsan na umano’y nairita dahil sa labis nitong kalasingan sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Dead on the spot si Jaime de Lima, 42, ng C. Perez Street, Barangay Tonsuya ng nasabing lungsod, sanhi ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Tinutugis naman at nakatakdang kasuhan ng homicide si Benjamin Pones, 48, kapitbahay ng biktima, na tumakas matapos ang krimen.
Base sa report, dakong 11:20 ng gabi, nakikipag-inuman sa kanyang mga kapitbahay si De Lima at pagkauwi nito, marahil sa labis na kalasingan, ay nagsimulang mag-ingay at pinagmumura si Pones na noo’y nasa labas ng bahay.
Marahil ay narindi ang suspek at napikon sa pagmumura ng pinsan kaya pumasok ito sa bahay at kumuha ng patalim saka pinagsasaksak si De Lima. (Orly L. Barcala)