Agad nasawi ang isang lalaki matapos pumalag at makipagbarilan sa mga pulis sa isinagawang ‘Oplan Galugad’ sa Sampaloc, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Nagtamo ng ilang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Glenn Morales, 24, ng 511 Islamic Street, Quiapo, Maynila, na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Sa ulat ni PO3 Dennis Turla, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), napag-alaman na bago mangyari ang engkuwentro ay naglunsad ng Oplan Galugad ang mga tauhan ng MPD-Station 4, sa pangunguna ni Police Senior Insp. Ariel Ilagan, sa isang eskinita sa 809 Marquitos St., kanto ng Blumentritt Extension, sa Sampaloc, dakong 12:40 ng madaling araw.
Napansin at sinita umano ng mga pulis ang suspek ngunit nang lapitan na nila ito ay bigla umanong bumunot ng baril si Morales at saka pinaputukan ang mga pulis ngunit walang natamaan. Dito na nagdesisyon si PO1 Julius Jamero na pagbabarilin ang suspek.
Nakuha sa suspek ang isang .38 revolver na may apat na bala at dalawang sachet ng shabu. (Mary Ann Santiago)