Sa kabila ng “ingay” na namuo dahil sa ilegal na pagpaparada na kinasangkutan ng isang driver sa Rockwell Drive sa Makati City kamakailan, tila nagkaayos na ang bawat panig.

“Nagkaareglo na sila, so basically walang kaso,” pahayag ni Superintendent Romil Mitra, Makati Police chief, sa panayam sa Balita.

Sa isang video na viral ngayon sa social media, makikita ang driver ng dilaw na Kia Picanto na pinalilibutan ng apat na guwardiya.

Makalipas ang ilang sandali, habang hinahampas na ng mga guwardiya ang sasakyan, marahil ay sa pagnanais na pababain ang driver mula sa sasakyan, iniatras ng driver ang sasakyan at tuluyang nabangga ang isang motorsiklo.

Lalaking ililipat sa Camp Crame, patay sa sagasa ng bus matapos magtangkang tumakas

Nang makakuha ng sapat na espasyo, pinaharurot papalayo ng driver ang kanyang sasakyan.

Kinilala ang driver na si Jamie Camille Lee Brojan, 28, ng San Juan City, matapos siyang masakote at dalhin sa Makati City Police.

Ayon kay Brojan, nataranta siya nang siya’y sitahin ng “galit” na mga guwardiya dahil sa illegal parking sa Amorsolo Drive.

Agad naman isinugod sa Ospital ng Makati ang apat na guwardiya matapos magtamo ng mga sugat sa pag-araro ng sasakyan ni Brojan.

Sa pulisya, nangako si Brojan na sasagutin ang lahat ng gastusin sa pagpapagamot ng mga nasugatan at pagpapaayos ng mga nasirang sasakyan kaya walang naghain ng kaso laban sa kanya. (BELLA GAMOTEA at RIZAL OBANIL)