Kung tinanggap lang sana ng isang seaman ang paumanhin ng isang construction worker na nakasagian niya ng balikat, hindi na sana siya nakulong.
Upang pansamantalang makalaya, kailangang magpiyansa ni Mauricio Flores Vista, 48, ng Hernandez Street, Barangay Catmon ng nasabing lungsod para sa mga kasong attempted murder at Violation of R.A. 10591 (illegal possession of firearm and ammunition) na isinampa ni Ryan Arboleda, 31.
Ayon kay Arboleda, dakong 10:00 ng umaga, naglalakad siya sa kahabaan ng Hernandez St., Bgy. Catmon nang makasalubong at masagi niya sa balikat si Vista.
“Humingi po ako ng paumanhin kasi hindi ko talaga sinasadya ang pagkakabangga ko sa kanya kaso nagalit na siya (suspek) kaagad,” pahayag ni Arboleda.
Nanggagalaiti umano ang suspek sa biktima at kinompronta ito hanggang sa magkaroon ng mainitang diskusyon.
Dito na binunot ni Vista ang kanyang cal. 45 at itinutok sa ulo ni Arboleda saka kinalabit ang gatilyo.
Masuwerte namang nag-jam ang baril at hindi pumutok dahilan upang kumaripas ang biktima sa Police Community Precinct (PCP) 9 ng Malabon Police na nagresulta sa pagkakaaresto ni Vista. (Orly L. Barcala)