HINDI lang pagkakaroon ng kaibigan sa totoong buhay ang nakabubuti sa kalusugan, napag-alaman sa bagong pag-aaral na ang pagkakaroon ng mga kaibigan sa mga online social network – kung gagamitin ng tama – ay mainam din sa kalusugan.

Maaaring makabuti ang Facebook sa iyong kalusugan, ayon sa isang pag-aaral.

Sa modernong panahon, dumarami na ang mga taong namumuhay na malayo sa kanilang pamilya at pinagmulang lugar.

Nagdudulot ito kung minsan ng kalungkutan at nakakaramdam ang tao ng pangungulila.

National

'Di na ito bago!' VP Sara, umalma sa bagong impeachment complaint sa kaniya

Naiugnay na ang benepisyo ng pagkakaroon ng malapit na mga kaibigan sa pagpapahaba ng buhay. Ipinakita rin ng siyam na taong pag-aaral na ang mga taong walang social life at kaugnayan sa komunidad ay may 2.8 na beses na posibilidad para mamatay nang mas maaga kaysa sa mga taong may mas malalim na social connection.

Simula noon, nagkaroon ng iba’t iba pang pag-aaral na may kaparehong resulta.

Sa katunayan, ibinunyag ng meta-analysis sa 148 pag-aaral na ang matibay na pakikipagkaibigan ay nakapagbibigay ng 50 porsiyentong tsansa na mas mabuhay ng matagal. Sinabi rin ng pag-aaral na ang pag-iisa ay may mortality risk factor na katumbas ng paninigarilyo at pag-inom ng alak.

Nakakatulong ba ang online friendship para humaba ang buhay?

Iminumungkahi ng bagong pag-aaral na ang paggamit ng Facebook ay nakapagpapahaba ng buhay. Gayunman, ito ay kung ginagamit ang Facebook para mapabuti ang social connection sa totoong buhay, ayon sa mga awtor.

Sinuri sa pag-aaral na pinangunahan nina William Hobbs at James Fowler ng University of California – San Diego ang 12 milyon na gumagamit ng Facebook.

“Happily, for almost all Facebook users, what we found is [a correlation between] balanced use and a lower risk of mortality,” pahayag ng senior author na si James Fowler.

Hindi ipinakita sa pag-aaral kung may epekto ang bilang ng Facebook “likes” sa pagpapahaba ng buhay.

Mababasa ang resulta ng pag-aaral sa Proceedings of the National Academy of Sciences. Pinag-aralan ng mga researcher ang mga taong ipinanganak sa simula 1945 hanggang 1989, at inobserbahan ang kanilang online activity sa loob ng anim na buwan. Ikinumpara ng mga researcher ang aktibidad ng mga nabubuhay pa sa mga yumao na.

Napag-alaman sa resulta ng pag-aaral na mas mahaba ang buhay ng Facebook users kumpara sa mga taong hindi nakikipag-ugnayan sa kapwa online.

“Interacting online seems to be healthy when the online activity is moderate and complements interactions offline. It is only on the extreme end, spending a lot of time online with little evidence of being connected to people otherwise, that we see a negative association, saad ni William Hobbes, pangunahing awtor ng pag-aaral.

Sinasabi rin ng research na ang mga taong nag-accept ng maraming friendship request ay mas mabubuhay ng mahaba.

Binigyang-diin naman ng mga researcher na bagamat makabuluhan ang resulta ng kanilang pag-aaral, hindi pa rin ito sapat para gumawa ng mga bagong panuntunan o government recommendation. Nais magbigay inspirasyon nina Hobbs at Fowler sa tulong ng kanilang pag-aaral sa iba pang mga research para magkaroon ng sapat na datos na makapagbibigay ng impormasyon ng mga bagong guideline sa publiko.

“What happens on Facebook and other social networks is very likely important,” ani Fowler. “But what we can’t do at this time is give either individual or larger policy recommendations based on this first work.” (Medical News Today)