TOKYO — Umastang parang mayor at igiit ang de-kalidad na serbisyo sa gobyerno.
Ito ang payo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga manggagawang Pinoy dito, kung saan dapat umano silang maging tigasin at ipahiya ang mga sangkot sa korapsyon at may mga mahinang serbisyo sa gobyerno.
Kung sakaling mangongotong, sinabi ni Duterte na pwedeng sampalin o murahin ang public officer.
“Kayo na mismo para pagpasok mo sa airport, parang mayor ka na rin. ‘Yung astang mayor na pa-ganun ba,” ayon sa Pangulo sa Filipino community sa Tokyo.
“Pagpunta mo ng Pilipinas, may pulis, Customs o Immigration at humihingi sa’yo ng pera, sampalin mo. Sabihin mo, sabi ni Mayor doon sa Japan,” bilin pa ng Pangulo.
Binigyang-diin ng Pangulo na dapat igiit ng mga manggagawang Pilipino ang kanilang karapatan at huwag payagan ang government officials na sila’y sikilin.
“Kung ‘yan sa bag mo at kunin ‘yung mga bagay—‘wag kang papayag. Pagka kinuha ‘yan, kunin mo ulit sabihin mo, ‘hindi ‘yan para sayo.’ ‘Yan lang kasi ang paraan na madisiplina ko lahat,” ayon pa kay Duterte. (Genalyn D. Kabiling)