Ilegal na droga ang isa sa mga motibong sinisiyasat ng Muntinlupa City Police kaugnay ng pagpatay ng riding-in-tandem sa dating prison guard ng New Bilibid Prison (NBP) habang nasa loob ng kanyang sasakyan sa lungsod, nitong Sabado.
Kinilala ni Muntinlupa City Police chief, Senior Supt. Nicolas Salvador ang pinaslang na si Simplicio Flores, alyas “Pitong”, nasa hustong gulang, na nagtamo ng ilang tama ng bala sa mukha.
Sa naantalang ulat ng pulisya, dakong 7:00 ng umaga nitong Sabado at sakay ang biktima sa kanyang Ford Focus sa East Service Road, Barangay Alabang nang dinikitan siya ng dalawang suspek na magkaangkas sa motorsiklong walang plaka.
Bumunot ng baril ang isa sa mga suspek at binaril sa mukha si Flores bago tumakas.
Lumitaw sa imbestigasyon na si Flores ay nasa drug watchlist at sumuko na sa awtoridad.
Nabatid na nagretiro si Flores bilang prison guard sa NBP isang buwan bago umupo sa puwesto si Pangulong Duterte noong Hulyo. (Bella Gamotea)