MARAHIL ay dama n’yo na rin ito. Mistulang hindi na umuusad ang mga sasakyan sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.
Wala nang pinipiling oras, walang pinipiling araw. Lunes hanggang Linggo, traffic ang sumasalubong sa ating mamamayan na walang kalaban-laban sa sitwasyong ito.
Nitong mga nakaraang araw, nakakaaawa ang napakahabang pila ng mga pasahero na naiipit sa lansangan dahil sa kawalan ng masasakyan.
Dati, kapag inabot ka ng 7:00 ng umaga sa kalsada ay tiyak na aabutan ka ng trapiko at mahihirapan ka na ring makasakay sa bus o jeepney.
Ngayon, 5:00 ng madaling araw pa lang, pahirapan na ang pagsakay sa PUV.
Ang nakapagtataka ay iilan pa lang araw matapos magdeklara ang pamahalaan na ipatutupad nito ang “no window” policy hindi lamang sa EDSA kundi maging sa iba pang major thoroughfare sa Metro Manila.
Ano’ng “no window” ang pinagsasasabi n’yo?!
Sari-saring programa na ang ginawang eksperimento ng gobyerno pero halos lahat ay napatunayang palpak lang. U-turn slot, number coding, yellow lane, etcetera, etcetera!
Ang problema sa gobyernong ito, bukod sa abala sa pagdidikdik kay US President Barack Obama, ibinubuhos lang ang oras sa mga pagdinig sa Senado at Kamara sa kung anu-anong kontrobersiya na ‘tila wala namang patutunguhan.
Sa halip na nakatutok ang media sa pagdinig sa panukalang magkakaloob ng emergency powers kay Pangulong Rody Duterte, sa mala-telenovela na Senate at House hearing sa mga kontrobersiya sa umano’y pagkakasangkot sa ilegal na droga ng ilang opisyal ng gobyerno, partikular si Sen. Leila de Lima, nakatuon ang mga balita.
Ni katiting na balita sa pagdinig sa proposed emergency power ay wala kang mababasa sa mga pahayagan, maririnig sa radyo o mapanonood sa telebisyon dahil pinuputakte ng publiko ang turuan, sisihan at laglagan sa telenovela na maaari nating tawaging “Bilibid Scandal.”
Totoo nga’t sensitibo at mahalaga na matugunan ng gobyerno ang salot na ilegal na droga.
Subalit dapat namang balansehin ang pagbibigay ng oras sa isyung ito at sa iba pang mahahalagang usapin na direktang nakaaapekto sa mamamayan.
Kumbaga sa pagkain, nilalangaw ang pagdinig sa emergency power dahil mas nananabik ang publiko sa kontrobersiya na kinasasangkutan ni Senator Leila de Lima.
Dahil dito, nagsisiksikan ang mga senador na nais magpapogi sa mga pagdinig at umaasang makukunan ng news team habang nagtatanong ng mga walang kalatuy-latuy.
Ang kakapal ng mukha n’yo! Habang nakapila ang mga pobreng pasahero sa lansangan, mababasa n’yo sa mukha nila kung ano’ng mga nasa isip nila.
Mga p@#*^%$% n’yo!!! (ARIS R. ILAGAN)