Pinagsasaksak ng mga ‘di pa nakikilalang suspek ang isang binatilyo sa kasagsagan ng rambulan sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Nagtamo ng tatlong saksak sa ulo, dalawa sa likod at sa braso si Raymond Rogon, 15, ng 152 Area D, Gate 16, Parola Compound, Tondo, Maynila, at kasalukuyang inoobserbahan sa ospital.
Base sa imbestigasyon ni SPO1 Reynaldo Ferrer, ng Manila Police District (MPD)- Station 2, nakatayo at nakikipagkuwentuhan ang biktima sa kanyang mga kaibigan dakong 12:30 ng madaling araw sa Delbros Pier 2, North Harbor, sa Tondo, nang bigla na lang silang atakihin ng grupo ng suspek.
Nauwi sa rambulan ang insidente hanggang sa pagsasaksakin ang biktima bago mabilis na tumakas, habang kumaripas na rin ng takbo sa kani-kanyang direksyon ang mga kaibigan ng biktima.
Inaalam na ng mga awtoridad ang motibo sa insidente. (Mary Ann Santiago)