Natuluyan ang isang preso makaraang atakihin sa puso sa loob ng siksikang selda ng Manila Police District (MPD)-Station 1 sa Raxabago Street, sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Hindi na naisalba sa Gat Andres Bonifacio Medical Center (GABMC) ang buhay ni Domingo Lindo, 45, ng 305 Coral St., sa Tondo, Maynila.
Ayon kay SPO4 Adonis Sugui, dakong 1:00 ng hapon nang namataan si Lindo ng kanyang mga kasamahang preso na nahihirapang huminga kaya hiningan siya ng tulong ng mga ito.
Kaagad namang isinugod ni PO1 Jay Valenzuela ang biktima sa nasabing ospital ngunit huli na ang lahat.
Nabatid na nakulong si Lindo makaraang maaresto dahil sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, noong Setyembre 21 ng kasalukuyang taon. (Mary Ann Santiago)