Itinakda na ng Sandiganbayan sa Enero 2017 ang pre-trial sa kasong plunder na kinakaharap ni dating Senator Jinggoy Estrada.
Ito ay nang mabigo ang mga abogado ni Estrada na sumipot sa pagdinig kahapon kaugnay ng kanyang paglalantad sa korte upang tutulan ang pagsusumite nila ng pre-trial brief sa kaso nito.
Iniutos din ng 5th Division sa mga abogado ni Estrada na magpaliwanag at dapat ding sumipot sa susunod na pre-trial hearing sa Enero.
Nauna nang tinutulan ng kampo ni Estrada ang kautusan ng korte na magsumite ng pre-trial brief. Paglabag umano ito sa constitutional rights ni Estrada, at hindi na rin kailangan alinsunod sa rules of court.
Ang pre-trial brief ay nagpapahintulot sa magkabilang panig na malaman ang mga ebidensya at mga testigong ihaharap nila sa isasagawang paglilitis.
Si Estrada ay kasalukuyang nakapiit sa PNP Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City kaugnay ng umano’y pagkamal nito ng P183.793 milyong kickback sa paglalaan ng kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel mula 2004-2012 sa mga bogus na non-government organizations (NGOs) na pag-aari ng negosyanteng si Janet Lim-Napoles.
(Rommel P. Tabbad)