Nasawi ang isang panadero makaraang makuryente habang naglalakad sa matubig na kalsada, sa Malabon City, nitong Linggo ng hatinggabi.

Hindi na nadala pa sa pinakamalapit na ospital si Alfonso Mesina, alyas “Pado”, 59, ng No. 99 Lucas Compound, Governor Pascual Avenue, Barangay Catmon ng nasabing lungsod.

Sa imbestigasyon ni PO2 Benjamin Sy, dakong 12:00 ng hatinggabi nangyari ang insidente sa lugar ng biktima.

Naglalakad umano sa kalsada papasok sa kanilang compound si Mesina nang hindi niya mapansin ang kawad ng kuryente na nalaglag sa kalsada hanggang sa bigla na lang siyang nangisay.

Anak ni Sen. Jinggoy Estrada, ginulpi sa Boracay

Makaraan ang ilang sandali, isang asong gala naman ang napadaan sa mismong pinangyarihan at gaya ni Mesina ay nakuryente rin ito at namatay.

Sa puntong ito nagtulung-tulong ang mga residente na alisin ang kable ng kuryente upang wala nang mabiktima pa.

(Orly L. Barcala)