Tumestigo sa House Committee on Justice ang miyembro ng Presidential Security Group (PSG) na dating aide ni Senator Leila de Lima, kung saan nasentro sa sex video at relasyon umano ng Senadora sa dati nitong drayber na si Ronnie Dayan, ang testimonya nito.
Sa pagdinig, sinabi ni Joenel Sanchez na mayroon umanong sex video sina De Lima at Dayan, at napanood niya ito.
Na-shocked umano siya sa video na ipinakita sa kanya ng isa pang drayber ni De Lima na kinilala lang niya sa pangalang ‘Bantam’. Ang video ay nasa phone umano ni Dayan at nasilip niya ito nang maiwan ang telepono sa kanilang sasakyan noong 2012 na naka-park sa compound ng Malacañang.
“Nagulat po ako nang ipinakita ni Bantam sa akin ang video ni SOJ (Secretary of Justice) De Lima at Ronnie Dayan na may dalawang sex video. Ang isang video po ay nag-posing si SOJ De Lima malapit sa shower room na hubo’t hubad...” ani Sanchez.
Hindi na umano niya tinapos ang video dahil nailang siya, ngunit naging biruan umano nila ito.
Pinabulaanan ni De Lima na may sexual relationship siya kay Dayan.
Pinatotohanan din ni Sanchez ang closeness nina De Lima at Dayan. “Kalaunan nakumpirma ko na may relasyon ang dalawa dahil si Ronnie Dayan ay sa bahay ni SOJ de Lima natutulog. Maging sa mga out of towns na lakad namin, silang dalawa ay magkasama sa iisang kwarto,” pahayag nito.
Nang pumasok sa security team ni De Lima si Warren Cristobal, dating miyembro ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), nagkagulo na umano sina De Lima at Dayan, hanggang sibakin sa serbisyo ang huli noong 2015.
“Pinagseselosan ni Ronnie Dayan si Warren Cristobal. Mula noon, si Warren Cristobal na ang tumatayong security aide at driver ni SOJ. Sa kanya na rin kami tumatanggap ng instructions at orders mula kay SOJ. Kapansin-pansin din ang closeness ni Warren Cristobal at SOJ kung kaya’t nagduda kami na may special na relasyon ang dalawa,” ayon pa kay Sanchez.
Samantala siya naman ay sinibak din sa pwesto nang humingi siya ng tulong kay Associate Commissioner Gilberto Repizo ng Bureau of Immigration, nang atakehin sa puso ang kanyang ama noong 2015.
“Humingi ako ng tulong kay SOJ (De Lima) ngunit hindi nya ako natulungan kaya gumawa ako ng paraan. Ito po ay kinagalit sa akin ni SOJ De Lima na siyang ikinatanggal ko bilang close-in security niya,” ani Sanchez.
Sa panig ni De Lima, nasaktan umano siya sa pagtestigo ni Sanchez.
Sa kanyang pagdalo sa isang human rights forum sa St. Scholastica’s College, sinabi ni De Lima na nasaktan siya kung bakit inilahad ni Sanchez ang mga personal niyang aktibidad, gayung lahat naman ng kanyang security aide ay trinato niya nang mahusay at tinutulungan sa kanilang pangangailangan.
Tanong pa ni De Lima, kung makakatulong daw ba ang mga personal na detalye sa layunin ng pagdinig na lumikha ng batas.
Bagamat hindi naman ipinalabas ang sinasabing sex video, tutol din si De Lima sa pagpapahintulot ng komite na ikuwento ni Sanchez ang laman ng umano’y sex video.
Muli namang nanindigan si De Lima na siya ay inosente at kapag napatunayan umano na talagang sangkot siya sa iligal na droga, handa siyang magbitiw bilang senador at magpabaril kahit sa harap ni Pangulong Duterte.
(Dagdag na ulat ni Beth Camia)