Hindi na nasikatan pa ng araw ang isang lalaki makaraang pagbabarilin ng ‘di kilalang suspek habang naglalakad ang una malapit sa isang presinto sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Isang tama ng bala sa ulo ang tumapos sa buhay ni Albert Franco, 36, basurero, ng Helping Complex, Barangay 105, Tondo, at miyembro ng Confederate Sentinel Group (Force Multiplier).

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng suspek na mabilis na tumakas matapos ang krimen.

Sa ulat ni PO3 Ryan Jay Balagtas, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 10:45 ng gabi nangyari ang pamamaril sa harapan ng Children’s Clinic, sa Road 10, Tondo, malapit sa Smokey Mountain Police Community Precinct (PCP), na sakop ng MPD-Station 1.

MRT-3 GM Bongon, sinibak sa puwesto dahil sa nagkaaberyang escalator

Naglalakad umano ang biktima at nakatakdang mag-duty sa CSG nang abangan siya ng suspek at biglang binaril sa ulo.

Kinumpirma naman ni CSG commander Ricardo Villamonte na miyembro nga ng kanilang samahan ang biktima.

Inaalam na ng mga awtoridad kung posibleng may kinalaman sa trabaho ang motibo ng pamamaril. (Mary Ann Santiago)