Inaresto ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang sexy starlet na si Krista Miller, kasama ang dalawang model at anim na iba pa, sa serye ng anti-drug operations sa Valenzuela City.
Ang 26-anyos na si Miller, Krystalyn Engle sa tunay na buhay, ay inaresto kasama si Aaron Medina sa buy-bust operation ng QCPD nitong nakaraang linggo sa Gen. Tiburcio de Leon Street, Valenzuela City.
Sakay sa walang plakang motorsiklo, iniabot umano nina Miller at Medina ang 0.17 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P3,000 sa poseur buyer.
Si Miller, na bumida sa mga pelikulang “Altar” at “Hukluban”, ay naging kontrobersyal noong 2013 matapos matsismis sila ng aktor na si Cesar Montano at naging dahilan umano ng pakikipaghiwalay ng huli sa kanyang asawang si Sunshine Cruz.
Noong 2014, pinag-usapan din siya nang bisitahin niya sa ospital ang convicted drug lord na si Ricardo Camata, na sinabi niyang binibentahan lang umano niya ng condo unit.
2 MODELO PA
Matapos maaresto si Miller, sunod namang dinampot ang dalawa pang part-time models na sina Liaa Alelin Bolia, 24; at Jeramie Padolina, 30; maging ang kanilang mga kasama na sina John Inri Barros, 22; Renato Hernandez Jr., 32; at Justine del Rosario, 19, dakong 12:40 ng umaga nitong Biyernes sa A. Luna St., Bgy. Bagumbuhay, Project 4, Quezon City.
Sina Bolla at Padolina, na na-feature na sa men’s magazines, ay nagsabing si Miller ang nagsu-supply sa kanila ng droga .
Isa pang follow up operation ang isinagawa nitong Sabado, at nasilo naman ang umano’y big-time suppliers ng Shabu na sina Muhiddin at Ambay Sandigan. Sila umano ang supplier ni Barros ng droga.
Ang mga inaresto ay ikinulong sa Camp Karingal at sinampahan na rin ng kaukulang kaso.