Inaresto nitong Linggo ng madaling araw ang dating Philippine Basketball Association (PBA) player na si Paul “Bong” Alvarez matapos manapak sa isang bar sa Quezon City.
Ayon sa police report kahapon, dakong 1:00 ng umaga nang bigla na lang sinapak ni Alvarez, 48, si John Mendoza, 36, habang nasa loob sila ng isang bar sa panulukan ng Scout Esguerra Street at Timog Avenue sa Barangay South Triangle.
Sinabi ni Supt. Pedro Sanchez, hepe ng Kamuning Police Station, na lasing si Alvarez nang suntukin si Mendoza dahil umano sa alitan ng dalawa tungkol sa live-in partner ng dating basketbolista.
Kasama ni Alvarez ang kanyang kinakasama nang mangyari ang insidente, bagamat hindi malinaw ang aktuwal na pinagmulan ng away, ayon kay Sanchez.
Kakasuhan si Alvarez ng physical injury, at nananatiling nakapiit sa himpilan ng Kamuning Police.
(Vanne Elaine P. Terrazola)