Sugatan ang isang 27-anyos na sales agent makaraang tamaan ng bala ng baril ng isang pulis-Maynila, na aksidenteng pumutok habang idini-deposito sa entrance area ng isang bar sa Ermita, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Nasa maayos nang kondisyon si John Nany Hilario, 27, ng Barangay Daungan, Mauban, Quezon Province matapos madaplisan ng bala ang kaliwa niyang paa mula sa baril ni PO1 Raymark Aliangan, 24, nakatalaga sa Manila Police District (MPD)-District Public Safety Battalion (DPSB), ng 1992 Tejeron St., Sta. Ana, Maynila.

Sa ulat ni Police Supt. Albert Barot, station commander ng MPD-Station 5, dakong 2:00 ng madaling araw nangyari aksidente habang papasok ang pulis at biktima sa Cowboy Grill Bar na matatagpuan sa Mabini Street, kanto ng Arquiza Street sa Ermita.

Ayon kay PO2 Christopher Razon, inilalagak ni PO1 Aliangan ang kanyang service firearm na isang Armscor caliber .45 sa guwardiya sa entrance area ng establisimyento nang aksidente itong pumutok.

Duterte siblings, nag-bonding: 'Always something to be grateful for'

Minalas namang tamaan sa kaliwang paa ang biktima na noon ay papasok din sa establisimyento kasama ang kanyang dalawang kaibigan.

Kaagad namang isinugod ang biktima sa ospital, habang pinigil ng security guard na si Geraldine Gimotea ang pulis, bago tuluyang itinurn-over sa mga kasamahan nito upang isailalim sa imbestigasyon. - Mary Ann Santiago