Dalawang lalaki ang pinagbabaril hanggang sa napatay ng mga hindi kilalang suspek na sakay sa motorsiklo sa magkakahiwalay na insidente sa Pateros at Makati City, kahapon ng madaling araw.
Dead on the spot si Raul Castillo, nasa hustong gulang, ng No.1138 Alley 9, P. Rosales Street, Barangay Sta. Ana Pateros, sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Inaalam ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng nag-iisang salarin na sakay sa motorsiklong walang plaka at mabilis na tumakas matapos ang pamamaril.
Sa ulat na natanggap ni Pateros Police chief Sr. Supt. Joel Villanueva, dakong 2:00 ng madaling araw nangyari ang pamamaril sa harap ng bahay ni Castillo.
Dumating ang suspek at kinausap sa hindi malamang dahilan ang biktima hanggang sa bumunot ng baril ang una at sunud-sunod na pinagbabaril si Castillo.
Lumitaw na kabilang sa drug list ang biktima.
Samantala, hindi na rin inabutan ng sikat ng araw ang tricycle driver na si Jasani Hutalla, nasa hustong gulang, ng No.2011 Ricarte St., Bgy. South Cembo, Makati City matapos paulanan ng bala ng hindi kilalang suspek na lulan din sa motorsiklo.
Dakong 3:00 ng madaling araw nang pagbabarilin ang biktima sa panulukan ng Luzon at Aklan St., Bgy. Pitogo ng nasabing lungsod.
Patuloy na iniimbestigahan ng Makati City Police ang insidente. - Bella Gamotea