BUTUAN CITY – Pinagbabaril ng riding-in-tandem ang isang radio commentator habang papasok ang huli sa kanyang bahay sa Purok 2, Sitio Bioborjan, Barangay Rizal, sa Surigao City, nitong Huwebes ng hapon.
Ayon sa ulat sa regional tactical operation center ng Police Regional Office (PRO)-13, nagtamo ng tatlong tama ng bala ng .45 caliber pistol sa likod si Saturnino “John” Estanio, Jr., 40, radio commentator ng DXRS-Radyo Mindanao Network (RMN) na nakabase sa Surigao City.
Kilala sa kanyang matinding paninindigan laban sa droga, maayos na ngayon ang lagay ni Estanio sa isang pagamutan.
Dakong 5:00 ng hapon nitong Huwebes, kabababa lang ni Estanio sa kanyang sasakyan at papasok na sa bahay nang pagbabarilin siya ng mga suspek na magkaangkas sa isang motorsiklo.
Kritikal naman ang lagay ng 12-anyos na anak na lalaki ni Estanio na nabaril sa itaas na bahagi ng dibdib, samantalang nasugatan din ang istambay na si Allan T. Canibel, 52, na nabaril naman sa kanang balikat.
Tinitingnan pa ng pulisya kung may kinalaman sa trabaho o personal ang dahilan sa pamamaril sa broadcaster.
Kinondena naman ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP)-Butuan ang insidente, na unang pag-atake sa isang miyembro ng media sa unang araw ng administrasyong Duterte. (Mike U. Crismundo)