Sugatan ang isang sarhentong pulis makaraang pagtulungang bugbugin at agawan ng baril ng dalawang guwardiya na nairita sa paninita niya sa pagtulog ng mga ito sa ilalim ng flyover, sa Pasay noong Miyerkules ng gabi.
Nagtamo ng mga sugat sa mukha at katawan ang biktimang si SPO2 Frank Garvez, nakatalaga sa Pasay City Police, ngunit nagawa pa rin nitong arestuhin ang mga suspek na sina Ronie Ligaria, 34, residente sa Saint Agnes St. Maricaban, Pasay City, at Ryan Laguardia, 26, may-asawa, nakatira sa Dimasalang St., ng naturang lungsod.
Dakong 2:00 ng hapon, pinagtulungang gulpihin ng mga suspek ang pulis sa Aurora Boulevard-EDSA.
Bago ang insidente, pinagsabihan ni SPO2 Garvez si Ligardia na huwag matulog sa ilalim ng flyover dahil sa modus operandi ito ng masasamang loob hanggang sa lumapit ang dalawang lalaki kasama si Laguardia na umano’y lasing.
Muling kinausap ni SPO2 Garvez si Ligardia kung kilala nito ang dalawang dumating na lalaki. Nairita ni Laguardia at biglang sinapak sa mukha ang pulis bago nila pinagtulungang bugbugin at agawin ang calibre .9mm na service firearm ng biktima.
Nakita ng ilang residente ang komosyon at tinulungan si SPO2 Garvez hanggang sa maaresto sina Ligaria at Laguardia.
(Bella Gamotea)