Ipalalabas ng Permanent Court of Arbitration (PCA) sa Hulyo 12 ang desisyon nito sa arbitration case na idinulog ng Pilipinas laban sa China sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Sa pahayag na ipinaskil sa opisyal na website nito noong Miyerkules ng gabi, inihayag ng PCA na ipalalabas nito ang desisyon sa usapin dakong 11:00 ng umaga sa Hulyo 12.
Ayon sa tribunal sa Hague, unang ipadadala ang desisyon ng Pilipinas at China sa pamamagitan ng e-mail kasabay ng isang media release na nagsasaad ng buod ng pasya sa English at French, at may opisyal na pagsasalin sa Mandarin Chinese.
Tatanggap din ng kopya ng desisyon at mga media release ang mga bansang tumayong observer sa pamamagitan ng e-mail sa distribution list na kinabibilangan din ng mga PCA Member State at PCA Members of Court.
Enero 22, 2013 nang nagsimula ang arbitration matapos na magpadala ang Pilipinas sa China ng Notification and Statement of Claim alinsunod sa mga probisyon ng UNCLOS kaugnay ng resolusyon ng agawan sa teritoryo at sa proseso ng arbitration na nakabatay sa Annex VII ng UNCLOS.
Makalipas ang ilang linggo, Pebrero 17, 2013, ay tinanggihan at ibinalik ng China sa Pilipinas ang nasabing Notification.
Simula nang araw na iyon, paulit-ulit na iginiit ng China na hindi nito tatanggapin at hindi rin makikibahagi sa arbitration. Gayunman, nakasaad sa Annex VII ng UNCLOS na magpapatuloy ang pagdinig ng tribunal kahit pa hindi makibahagi ang isa sa mga kinauukulang partido. (Roy C. Mabasa)