Muling namumuo ang “militarisasyon” sa Bureau of Customs (BoC) sa pagpasok ng mga dating sundalong Marine sa nasabing ahensiya upang tumulong kay incoming Customs Commissioner Nicanor Faeldon, dati ring Marine officer, sa pangangasiwa ng BoC.
Ayon kay retired Marine Lt. Gen. Juancho Sabban, susunod na Customs deputy commissioner for intelligence, posibleng maghatak siya ng iba pang dating sundalo kapag naupo na siya sa BoC.
“I think even the president said the military can help in any way in all the bureaus that need them,” pahayag ni Sabban sa farewell party na inorganisa para kay outgoing Deputy Commissioner Jessie Dellosa.
Ayon pa kay Sabban, na namuno sa matagumpay na operasyon laban sa kilabot na Abu Sayyaf leader na si Aldam Tilao, alyas “Abu Sabaya” noong Hunyo 2002, malaking tulong ang disiplina sa hanay ng militar sa kanilang pagpapatakbo ng BoC.
Bilang isang dating sundalo, iginiit din ni Sabban na hindi na siya bago sa mga pagbabanta sa buhay kung ang pag-uusapan ay ang pagtugon niya sa kanyang tungkulin sa BoC, na tinaguriang isa sa mga pinaka-corrupt na ahensiya ng gobyerno sa bansa.
“Are they more dangerous than the Abu Sayyaf like General Dellosa and I faced before? I don’t think so. I don’t think threats will cow all our personnel here,” ayon kay Sabban, na dati ring nagrebelde laban sa administrasyon ng yumaong Pangulong Corazon Aquino noong dekada ‘80. (Raymund F. Antonio)