Nagulantang ang awtoridad nang madiskubre ang anim na kilong shabu, na nagkakahalaga ng P30 milyon, na isinilid sa loob ng isang backpack at iniwan sa isang terminal ng bus sa Pasay City, nitong Lunes ng hapon.
Sa ulat na natanggap ni Pasay City Police chief Senior Supt. Joel Doria, dakong 2:37 ng hapon nang mapansin ng mga kawani ng Grand Courier Transport Davao Bus Terminal sa EDSA, Barangay 152, Zone 16, ang kahina-hinalang kilos ng isang hindi kilalang lalaki.
Pagsapit ng 4:40 ng hapon, natagpuan naman nina Arnold Bobis, 37, assistant dispatcher; at Glenn Tamposa, 27, ang isang itim na bag sa loob ng isang bus (MVM-991).
Inakala pa nina Bobis at Tamposa na posibleng bomba ang laman ng bag hanggang sa suriin nila ito at tumambad ang dalawang transparent at dalawang pulang plastic bag na naglalaman ng shabu, ilang pirasong shorts, at nakatuping papel kaya mabilis na ipinaalam ito sa awtoridad.
Hinala ni Doria, posibleng nataranta ang lalaking magde-deliver sana ng shabu kaya inabandona na lang nito ang kontrabando na nagkakahalaga ng milyun-milyong piso.
Inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng suspek sa tulong ng CCTV sa lugar. (Bella Gamotea)