Hindi bababa sa limang katao, kabilang ang isang pulis, ang nasugatan makaraang magsagupa ang mga pulis at residente ng squatter’s area sa Dagat-Dagatan C-3 Road sa Barangay 8, Caloocan City, kahapon ng umaga.
Ayon sa police report, kabilang sa mga sugatan ang isang operatiba ng Northern Police District-Civil Disturbance Management (NPD-CDM) na naatasang magbigay ng seguridad sa isang sheriff na maghahain ng writ of demolition.
Itinalaga naman ang ibang pulis sa southbound ng C-3 Road upang kontrolin ang mga residente na apektado ng demolisyon.
Sinabi ng pulisya na 89 na bahay, na tirahan ng mahigit 300,000 pamilya, ang pinagbabaklas ng demolition teams.
Gamit ang basyo ng bote, bato at iba pang matitigas na bagay, walang takot na sinagupa ng mga galit na residente ang demolition team sa tangkang pigilan ang paggiba sa kanilang mga bahay.
Bukod sa apat na sugatan, isa ring matandang babae ang nawalan ng malay at isinugod sa Pagamutang Bayan ng Malabon.
(Ed Mahilum)