Dapat umanong akuin ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista ang pagbabayad sa P800,000 na sinisingil ng Robinsons Land Corporation (RLC) sa poll body kaugnay ng naunsyaming mall voting.

Ayon kay Comelec Commissioner Rowena Guanzon, personal liability ito ni Bautista kaya walang pakialam dito ang commission en banc.

Nauna rito, napaulat na humihingi ang RLC sa Comelec ng P800,000 para sa mga nagastos nito sa paghahanda sa planong mall voting.

Nabatid na lumagda si Bautista at si RLC President Frederick Go sa isang memorandum of agreement (MOA) upang maisagawa ang botohan sa 20 Robinsons mall.

National

4.4-magnitude na lindol, tumama sa Davao de Oro

Gayunman, hindi natuloy ang mall voting kaya sinisingil ngayon ng RLC sa Comelec ang mga nagastos nito, tulad ng mga ipinagawang voting booth.

Nilinaw naman ni Guanzon na si Bautista lamang ang pumirma sa MOA, at wala, aniya, itong awtorisasyon mula sa en banc o “ultra vires” (beyond the powers).

Sinabi pa ni Guanzon na hindi siya boboto para bayaran ang naturang halaga, lalo’t marami sa Comelec commissioners ang hindi pabor sa mall voting, gaya nina Commissioners Arthur Lim at Luie Tito Guia.

Sa kabila naman nito, kumpiyansa si Guanzon na malalampasan ni Bautista ang kinakaharap nitong usapin sa RLC. (Mary Ann Santiago)