NAPADPAD na ba kayo sa Bonifacio Global City sa Taguig?

Ito ang tinaguriang “gimmick place” ngayon, lalo na sa kabataan.

Sosyal, malinis, maganda at tahimik, sa BGC walang “laglag barya” gang, walang “agaw-cell phone,” at walang “Takatak Boys.”

Lahat ay maayos at sumusunod sa batas.

National

Atty. Kaufman, nagsalita sa umano'y 'request' hinggil sa ID requirements ng EJK victims

Subalit malaking problema sa lugar ang matinding trapiko sa halos buong araw.

Dahil sa nagdadagsaang tao hindi lamang upang mamasyal, kumain, mag-shopping o manood ng sine, marami na rin ang nag-eehersisyo sa BGC dahil alaga ang kapaligiran laban sa polusyon.

Bagamat marami ang sasakyang napapadpad dito, mayroon ding mga public utility vehicle (PUV) ang bumibiyahe papasok at palabas ng BGC, tulad ng taxi, bus at jeepney.

Ngunit ‘pag inabot ka ng trapiko, lalo na sa Lawton Avenue ng Fort Bonifacio area at mga lansangan malapit sa JP Rizal Street o Guadalupe, maisusumpa mo ang lugar.

Sa ganitong sitwasyon, namamayagpag ang mga tinaguriang “Habal-habal.”

Mula sa salitang bisaya na “yakap,” naging popular ang Habal-habal sa Mindanao dahil sa mga biyaherong sumasakay sa motorsiklo upang makarating sa kanilang destinasyon.

Nag-umpisa ang Habal-habal sa mga liblib na lugar sa Mindanao ilang dekada na ang nakararaan.

Fast forward sa 2016, putok na rin ang Habal-habal sa Fort Bonifacio, BGC area at maging sa ilang lugar sa Makati City.

Sa pasaheng P30 hanggang P50 kada biyahe, mas mahal ito kung ikukumpara sa minimum jeepney fare na P7.00.

Subalit kung aabutin ka naman nang siyam-siyam bago makarating sa iyong destinasyon dahil sa buhul-buhol na trapiko, malamang ay kakagatin mo na rin ang pasahe ng Habal-habal.

Naging tanyag na rin ang bansag na “Habal-habal” sa Fort Bonifacio mahigit dalawang dekada ang nakararaan. Dala-dala ng mga sundalo ang bansag na ito dahil nadestino rin sila sa Mindanao.

Makikilatis mo rin na sundalo ang rider ng Habal-habal motorcycle service na ito dahil sa kanilang gupit, pangangatawan at mahilig magbigkas ng “sir” at “ma’am.”

Kung tsitsikahin mo sila, agad nilang aaminin na sila’y nagsa-sideline dahil sa hirap ng buhay. Sa halip na nagpapahinga sa bahay at nanonood ng teleserye, mas gugustuhin daw nilang mamasada ng habal-habal dahil malaki ang kita.

Mabilis ang biyahe kumpara sa jeepney dahil nakasisingit ang mga motorsiklo sa trapiko.

May dala silang extra na helmet para sa pasahero. Subalit kung umuulan, ang tanging panangga ng mga habal-habal passenger ay ang kani-kanilang payong.

Hindi bale kung “walang poise.” Ang mahalaga ay makarating sila sa kanilang destinasyon na hindi atrasado.

(ARIS R. ILAGAN)