Nahaharap ngayon sa kasong robbery/extortion ng isang empleyado ng Office of the Building Official (OBO) matapos umanong kotongan ng P15,000 ang isang negosyante kapalit ng mga dokumento na kanyang binabawi sa suspek.
Kinilala ng Quezon City Police District (QCPD) ang akusado na si Arnold Benavides, 44, nakatalaga sa QC Building Permit Office at residente ng Lot 1, Lourdes Herrera St., Barangay Tandang Sora, Quezon City.
Naaresto si Benavidez sa entrapment operation ng pulisya sa isang restaurant sa Quezon Memorial Circle nitong Hunyo 17 matapos itong tumanggap ng P15,000 marked money mula sa isang police agent.
Isinagawa ang operasyon base sa reklamo ni Cesar Cruz, 67, ng Barangay Bungad, QC, matapos ito takutin ni Benavides na hindi ibabalik ang kanyang mga dokumento kung hindi ito magbibigay ng P15,000.
Sa kanyang sinumpaang salaysay, sinabi ni Cruz na nakilala niya ang suspek nang magtungo ito sa QC Hall noong Mayo 25 upang mag-apply para sa building permit para sa kanyang itatayong restaurant.
Nang muli silang magkita noong Mayo 27, dinala ni Cruz ang floor plan at iba pang dokumento ng kanyang proyekto bago sila nagtungo ni Benavides sa project site.
Matapos isumite ang lahat ng requirement, humingi umano si Benavides ng P150,000 upang mapabilis umano ang pagpoproseso sa building permit.
Nang maimbyerna na si Cruz sa pangongotong, sinabihan niya si Benavidez na babawiin na lang nito ang mga dokumento subalit humirit ang suspek ng P15,000 bilang kapalit ng mga papeles. - Chito Chavez