Inihahanda na ng Philippine National Police (PNP) ang mga tauhan nito sa pagtugon sa kalamidad na posibleng makaapekto sa bansa sa pagpasok ng tag-ulan.
Sinabi ni Chief Supt. Carlos de Sagun, executive officer ng PNP Directorate for Police Community Relations (DPCR), na kabilang sa kanilang mga preparasyon ang pagtatatag ng walong cluster mula sa iba’t ibang police unit na magsisilbing frontliner sa pagresponde sa mga kalamidad.
Ang mga ito ay kinabibilangan ng search, rescue and retrieval; law and order; health and camp management; dead and missing; emergency and telecommunication; logistics’ at food and non-food cluster.
“We have already started auditing the PNP equipment in preparation for the calamities. This is to ensure our readiness,” ayon kay De Sagun.
Ipinaliwanag ng opisyal na mahalaga para sa PNP ang maging handa sa lahat ng oras dahil hindi lamang ito ang rumeresponde sa tuwing may kalamidad kundi nakikibahagi rin sa rehabilitasyon ng mga naapektuhang lugar.
Ginawang halimbawa ni De Sagun ang malaking papel ng PNP sa pagresponde sa mga lugar na sinalanta ng super typhoon ‘Yolanda’ sa Visayas region noong Nobyembre 2013.
Matatandaan na dalawang batalyon ng pulis, na may 1,000 miyembro, ang ipinadala sa Yolanda-affected areas upang magpanatili ang katahimikan at kaayusan kaugnay ng ilang insidente ng pagnanakaw matapos manalasa ang bagyo.
(Aaron Recuenco)