Iginiit na hindi dapat na sinasabi lamang ang pagkakaroon ng isang malinis na halalan, hinimok ng isang dating opisyal ng Commission on Elections (Comelec) ang poll body na imbestigahan ang alegasyon sa manipulasyon ng mga boto noong Mayo 9.

“When you say you'll have transparent elections, you have to back that up with action. Otherwise, it's just lip service,” saad sa pahayag ni dating Comelec Commissioner Gregorio Larrazabal.

Bahagi ng pagiging transparent, aniya, ay ang pagdedetalye sa mga kinauukulang partido ng Internet Protocol (IP) address, Media Access Control (MAC) address, at Server Logs na ginamit sa katatapos na halalan.

“Over a month after the elections, the Comelec and Smartmatic have not yet provided the IP and MAC addresses, and Server Logs. Why are these being withheld?” ani Larrazabal.

Eleksyon

Benhur Abalos, nagpasalamat sa pag-endorso ni Leni Robredo

Matatandaang matagal nang iginigiit ni Larrazabal ang pagsasagawa ng auditing sa automated election system (AES) ng Comelec.

Ito rin ang apela ng Legal Network for Truthful Elections (LENTE), sinabing karapatan ng anumang grupo na manawagan ng imbestigasyon, lalo na kung may sapat na ebidensiyang susuporta sa alegasyon nito.

Ito, ayon kay LENTE Executive Director Rona Ann Caritos, ay para mapatunayan din ang kredibilidad ng AES.

Noong nakaraang linggo, pormal na hiniling ng Confederation of Non-Stock Savings and Loan Associations, Inc. (CONSLA) Party-List sa Comelec na magsagawa ito ng imbestigasyon kaugnay ng magkakaibang bilang sa mga botong nakuha ng grupo.

Ayon sa CONSLA, dakong tanghali ng Mayo 10 ay mayroon na silang 555,896 na boto, batay sa quick count ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting na ipinaskil sa Twitter account nito, ngunit sa opisyal na resulta ng canvassing ng Comelec ay naitala lang sa 213,814 ang kabuuang boto ng grupo. (Leslie Ann G. Aquino)