Kasabay ng pagkakaaresto sa isa pa niyang kasabwat, lumantad din sa tanggapan ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) sa Camp Karingal ang isang empleyada na biktima rin umano ng panggagahasa ng driver ng isang colorum UV shuttle na si Wilfredo Lorenzo, sa Quezon City.
Kinilala ni Supt. Rodel Marcelo ang isa pang suspek na si Rey Diaz, na umano’y isa pang kasabwat ng arestadong rapist na si Lorenzo.
Nag-hysterical naman ang sinasabing ikaanim na biktima ng panghahalay ni Lorenzo makaraang positibong itinuro at pinagsusuntok ang suspek.
Sa salaysay ng biktima sa Women’s Desk, sumakay siya sa colorum van ni Lorenzo sa isang lugar sa Quezon City noong hapon ng Abril 5 patungong Malibay Street sa Makati subalit nag-U-turn ito sa Magallanes at nagdeklara ng holdap.
Aniya, habang nakahinto ang sasakyan ay sumulpot si Diaz at siyang nagmaneho sa sasakyan habang ginagahasa ni Lorenzo ang biktima.
Nabatid sa imbestigasyon ng pulisya na bangag sa shabu si Lorenzo nang gawin ang krimen, at iginapos muna ang mga kamay ng biktima bago kinuha ang bag nito, at natangay ang P6,000 cash ng dalaga.
Kahapon kinasuhan na ng rape at robbery si Diaz sa Quezon City Prosecutors’ Office. (Jun Fabon)