Isang 46-anyos na tricycle driver na nagsisilbing school service ang dinakip at kinasuhan makaraang seksuwal na abusuhin ang isang mag-aaral sa Grade 3 sa loob ng kanyang tricycle sa Quezon City nitong Martes ng hapon, iniulat ng pulisya kahapon.
Nakapiit ngayon si Lamberto Santiago, ng Barangay Escopa 3, Project 4, sa himpilan ng pulisya sa Project 8 matapos niya umanong halayin ang isang walong taong gulang na babaeng mag-aaral na inihahatid-sundo niya sa eskuwelahan.
Batay sa report kahapon ng Quezon City Police District (QCPD), sinundo ni Santiago ang bata mula sa Pura V. Kalaw Elementary School sa Bgy. Milagrosa dakong 2:00 ng hapon, para ihatid sa bahay nito sa Bgy. Bagumbuhay.
Ngunit sa halip na dumiretso ng uwi sa bahay ng paslit, huminto si Santiago sa gilid ng kalsada sa F. Castillo Street at nilapitan ang bata.
Sinabi ng bata na hinawakan ng suspek ang kanyang dibdib at ipinasok ang daliri nito sa kanyang ari.
Napag-alaman ng ina ang tungkol sa insidente makaraang tumanggi ang bata na pumasok sa paaralan kinabukasan at sinabing minolestiya siya ni “Kuya Lambert”.
Nadakip si Santiago dakong 1:00 ng hapon nitong Miyerkules makaraang humingi ng tulong sa pulisya ang ina ng biktima. (Vanne Elaine P. Terrazola)