Pitong tripulanteng Indonesian ang dinukot habang naglalayag sa Sulu, iniulat kahapon ng gobyerno ng Indonesia.

Hinahatak ng mga tripulante ang isang coal barge sa Sulu nitong Lunes nang ma-hijack ng mga armado ang kanilang tugboat, ayon kay Indonesian Foreign Minister Retno Marsudi.

Pitong tripulante ang binihag sa dalawang magkahiwalay na pag-atake sa barko na may isang oras na pagitan, ayon kay Marsudi. Hindi naman ginalaw ang anim na iba pang sakay sa tugboat.

“The government will do everything possible to free these hostages,” sinabi ni Marsudi sa mga mamamahayag. “The safety of these seven Indonesian citizens is our priority.”

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file na kandidato sa pagkasenador at party-list

Sinabi naman ng tagapagsalita ng foreign ministry na hindi niya makumpirma kung humiling na ng ransom ang mga suspek, o kung ang Abu Sayyaf Group (ASG) ang nasa likod ng pagdukot.

Noong unang bahagi ng taong ito ay apat na tripulanteng Malaysian at 14 na Indonesian sailor ang dinukot ng Abu Sayyaf habang naglalayag sa Mindanao. Pinalaya na ang mga ito makalipas ang ilang buwan, ngunit hindi nabatid kung nagkabayaran ng ransom.

Inihayag naman ng gobyerno ng Pilipinas na sinisikap na nitong iberipika ang nasabing report.

Kapag nakumpirma, ito na ang magiging ikatlong pagdukot ng ASG sa mga tripulanteng Indonesian ngayong taon.

(Agencé France Presse)