ANG mga taong may mataas na pinag-aralan ay mas may posibilidad na magkaroon ng tumor sa utak, napag-alaman sa mula sa bagong pag-aaral sa Sweden.
Nadiskubre ng mga researcher na ang mga babaeng nakapagtapos ng tatlong taong university courses ay may 23 porsiyentong posibilidad na tubuan ng cancerous brain tumor na kung tawagin ay glioma, kumpara sa mga babaeng nakakumpleto ng siyam na taong mandatory education at hindi na nagpatuloy ng pag-aaral sa unibersidad. At ang mga lalaki naman na nakakumpleto ng tatlong taong university courses ay may 19 na porsiyentong posibilidad na tubuan ng nasabing uri ng tumor, kumpara sa mga lalaking hindi na nag-aral sa unibersidad.
Bagamat hindi pa malinaw ang dahilan ng pagkakaugnay ng antas ng pinag-aralan sa kanser, “one possible explanation is that highly educated people may be more aware of symptoms and seek medical care earlier,” ayon kay Amal Khanolkar, research associate sa Institute of Child Health, sa University College London at co-author ng nasabing pag-aaral.
Sa pag-aaral na ito, pinagbasehan ng mga researcher ang datos mula sa mahigit 4.3 milyong katao sa Sweden na parte ng Swedish Total Population Register. Sinubaybayan ng mga researcher ang mga tao sa loob ng 17 taon, simula noong 1993, para malaman kung tinutubuan ang mga ito ng tumor sa utak.
Nangalap din ang mga mananaliksik ng impormasyon kaugnay sa mga natapos na kurso, kinikitang pera, buhay may asawa at trabaho.
Sa loob ng 17 taong pag-aaral, napag-alaman na mayroong tumor sa utak ang 5,735 lalaki at 7,101babae, ayon sa findings na inilathala nitong Hunyo 20, sa Journal of Epidemiology & Community Health.
Bilang karagdagan sa pagkakaiba ng brain tumor development at education level, napag-alaman ng mga researcher ang kaugnayan ng pagkakaroon ng tumor sa utak at sa kinikitang pera.
Ang mga lalaking kumikita ng malaki ay may 14 na porsiyentong posibilidad na magkaroon ng glioma, kumpara sa kalalakihang maliit ang kinikita, ayon sa pag-aaral.
Gayunman, hindi pa natutukoy ng mga researcher kung ganito rin ang kaso sa hanay ng kababaihan.
“It has been an ‘urban legend’ among neurosurgeons that smarter people are more likely to get brain tumors,” pahayag ni Dr. Raj K. Narayan, ang chair ng neurosurgery sa North Shore University Hospital, sa Manhasset, New York.
“However, I am somewhat surprised to find that this may actually be true.” (LiveScience.com)