Malaki ang naiambag ng kampanyang “good governance” ng administrasyong Aquino sa maunlad na ekonomiya na tinatamasa ngayon ng mga Pinoy.

Ito ang ibinandera ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma Jr. sa kabila ng kaliwa’t kanang batikos laban kay Aquino dahil sa kabiguan nitong maisulong ang ilang mahahalagang panukala, tulad ng Freedom of Information Bill (FOI) at iba pa na sana’y makatutulong sa pag-angat sa buhay ng mga maralita.

“Mahalagang tingnan natin ‘yung malaking larawan at dito makikita natin na simula nang manungkulan si Pangulong Aquino noong 2010, malayo na ang narating natin sa pagtatatag ng mabuting pamamahala o good governance,” binigyang-diin ni Coloma.

Sa usapin ng pag-unlad ng ekonomiya, sinabi ni Coloma na mula sa dating “Sick Man of Asia”, ang Pilipinas ay itinuturing na ngayon bilang “Asia’s Rising Star” ng international community.

Eleksyon

'Walang Imee, Camille?' DuterTEN, Honasan, Querubin ineendorso ni FPRRD

“Good governance translates into good economics. Hindi natin matatamo ‘yung ating matayog na posisyon bilang isang investment grade country, hindi natin matatamo ‘yung matataas na ratings mula sa Transparency International, hindi natin makukuha ‘yung malaking pagbaba ng ating puwesto roon sa Corruption Index kung hindi nagtatag ng mabuting pamamahala,” ayon sa opisyal.

Magtatapos ang anim na taong termino ni Aquino sa Hunyo 30, at isasalin niya ang kapangyarihan kay incoming President Rodrigo Duterte.

Una nang ipinangako ng administrasyong Aquino na bibigyang prioridad ang FOI bilang mahalagang instrumento sa pagsugpo sa kurapsiyon sa gobyerno, subalit hindi ito naipasa sa Kongreso simula pa noong termino ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. (MADEL SABATER – NAMIT)