Naniniwala ang isang Katolikong pari, na aminadong dating gumagamit ng ilegal na droga, na kurapsiyon ang dahilan kung bakit talamak ng bentahan ng illegal na droga sa bansa.
“The problem really is corruption that’s why these criminals are brave,” ayon kay Fr. Roberto “Bobby” dela Cruz ng Restorative Justice Ministry ng Manila Archdiocese.
Sinabi ng pari na malakas ang loob ng mga drug suspect na gumawa ng krimen dahil madali naman nilang matakasan ang prosekusyon dahil nababayaran ang awtoridad.
Kaugnay nito, iginiit ni Dela Cruz na hindi makatutulong ang pagbuhay sa death penalty para masugpo ang kriminalidad at sa halip ay dapat nang matigil ang “lagay system” o panunuhol sa mga opisyal ng gobyerno.
“The solution is just by strictly enforcing the law. There’s no need to revive the death penalty,” aniya pa.
Isang dating drug user, naniniwala si Dela Cruz na kung bubuhayin ang parusang bitay ay mapagkakaitan ang lahat ng tao sa kapangyarihan ni Hesus para makapagbagong-buhay.
Nabatid na nagsimulang maging drug addict si Dela Cruz noong siya’y nag-aaral pa sa high school dahil sa kawalan ng pag-asa, bago tuluyang binago ng Panginoon ang kanyang buhay.
Malaki aniya ang naitulong ng pagdalo niya sa mga evangelization program para siya’y magbago.
“I was able to hear the Good News and it started there,” aniya pa. (MARY ANN SANTIAGO)