Naging matagumpay at maayos ang 2nd Metro Manila Shake Drill and National Simultaneous Earthquake Drill (NSED) noong Miyerkules bilang paghahanda sa posibleng pagtama ng malakas na lindol, ayon sa National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC).

Ang earthquake drill ngayong taon ay pormal na nagsimula dakong 9:00 a.m. sa GHQ Grandstand, Camp Aguinaldo, Quezon City.

Pinangunahan ni QC Administrator Aldrin Cuna ng Department of Public Office and Safety (DPOS) at QC Fire Marshall Sr. Supt Jesus Fernandez ang dasal at pagsalba sa mga magiging biktima ng napakalakas na lindol na sana ay hindi tumama sa bansa.

Nagkaroon ng artipisyal na senaryo ng mga pagyanig, pag-iwas sa mga debris at pagsagip sa mga biktima sa Quezon City, Pasig City, Marikina City, Caloocan City, Malabon City, Navotas City, Las Piñas City, Taguig City, Muntinlupa City at Makati City.

Eleksyon

True partners, subok na raw: Romualdez, hinikayat iboto buong Alyansa

Ipinakita ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga bagong kagamitan, mga natutunan sa mahigpit na pagsasanay, at ang mabilis na pagresponde ng mga tauhan nito kasama ang ibang concerned government agencies, volunteers at pribadong sektor sa pagsagip at paglilikas sa mga kunwaring biktima ng malakas na lindol sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila kabilang na ang pagguho ng Guadalupe Bridge sa Makati City, pagbagsak ng tulay ng Alabang Viaduct sa Muntinlupa, pagkasira ng mga gusali at MRT station, mga linya ng komunikasyon at iba pa.

Nakabantay din ang pulisya sa masasamang elemento na posibleng magsamantala sa sitwasyon sa pagtama ng kalamidad.

Ang scenario ng lindol ay ibinatay sa mga resulta ng Metro Manila Earthquake Impact Reduction Study (MMEIRS, 2004) at GMMA-READY Project noong 2014.

Idinedetalye sa dalawang pag-aaral na ito ang pinsalang idudulot ng Magnitude 7.2 earthquake na lindol sa West Valley Fault (Model 08, MMEIRS), ang pinakamalalang mangyayari sa Metro Manila at mga karatig na lalawigan.

(Jun Fabon at Bella Gamotea)