Dalawang hinihinalang miyembro ng international drug syndicate ang nasawi makaraang pumalag sa pagdakip matapos masamsaman ng P15 milyon halaga ng shabu sa buy-bust operation ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa Quezon City, kahapon ng umaga.
Kinilala ni CIDG-National Capital Region Chief Senior Supt. Ronald Lee ang mga napatay na sina Khalid Amintao at Ala Asnawe, batay sa mga ID na nakuha mula sa kanilang mga gamit.
Narekober ng mga operatiba ng CIDG sa pinangyarihan ng operasyon ang tatlong kilos ng high-grade shabu na nagkakahalaga ng aabot sa P15 milyon, dalawang .45 caliber pistol, kotse at drug paraphernalia.
Dakong 5:00 ng umaga nang isagawa ng mga operatiba ng CIDG ang buy-bust matapos salakayin ang hideout ng sindikato sa Barangay Piñahan, Quezon City.
Gayunman, nakatunog ang mga suspek at nauwi sa engkuwentro ang operasyon, na ikinamatay nina Amintao at Asnawi.
Nabatid sa imbestigasyon na noong nakaraang buwan pa sinusubaybayan ng pulisya ang mga ilegal na aktibidad ng sindikato. (JUN FABON)