Isang 20-anyos na security guard ang nasawi makaraang mahulog mula sa ikawalong palapag matapos niyang buksan ang sirang elevator sa kinukumpuning 21-storey commercial building sa Tondo, Maynila, nabatid kahapon.
Dead on the spot si Roland Suson, binata, stay-in security guard, at tubong Diamanen, Dimcalao, Aurora, Province.
Batay sa report ni Detective Donald Panaligan, ng Manila Police District, dakong 2:00 ng hapon nitong Linggo nang nadiskubre ang bangkay ng biktima sa sahig ng unang palapag ng gusali, na matatagpuan sa 1275 Dagupan Street sa Tondo.
Sa salaysay ni Henry Gertos, 44, isa ring security guard, bago ang insidente ay sinabihan niya si Suson na magsagawa ng roving inspection sa kanyang area of responsibility, kabilang ang isang sirang elevator.
Ayon pa kay Gertos, binuksan ng biktima ang pintuan ng elevator sa ikawalong palapag.
Makalipas ang limang oras, ipinagtaka ni Gertos kung bakit hindi pa rin bumabalik si Suson kaya tinawagan niya nito sa handheld radio subalit hindi na ito sumasagot.
Dahil dito, hinanap niya ang biktima at laking gulat nang matagpuan itong walang buhay sa flooring ng elevator.
Napansin ni Gertos na wala na ang kaliwang sapatos ng biktima at nagkalat din ang gamit nito kaya hinala ng pulisya ay posibleng nadulas ito nang buksan ang elevator bago tuluyang bumagsak sa ground floor. (Mary Ann Santiago)